HOME

Lumipas na Kabataan


Sa pagharap mo sa salamin,
Ano’t tila ngayon lang napansin,
Ang pagbabago sa hitsura,
Ang humpak o bagsak na mukha,
Ang malamlam na mga mata.
Ang dahilan ba ay pagod?
O kabataang unti-unti nang inaanod,
Kasabay ng lumalambot na tuhod.

Subalit, hindi ka nag-iisa,
Sa pagbabago na ‘yong nakikita,
Sa mga nararamdaman mo,
Ang lakas na unti-unti’y naglalaho,
Ang paningin na tila lumalabo.
Nasaan na ang buhok na maganda?
Tila kulay ulap o nauubos na,
At wala na’ng kutis na mala-porselana.

Marahil ay may facebook ka,
Buksan mo at iyong makikita,
Mga kababata mo sa inyong bayan,
Mga dating kaklase at kaibigan,
Pansinin mo ang kanilang kaanyuan.
Hindi ba at katulad mo rin sila?
Lumipas na ang dating ganda,
At malapit nang maging lolo at lola.

Ang mundo ay patuloy na umiikot,
Kasabay ng buhay na masalimuot,
Kahapon ang buhay ay ipinunla,
Umusbong, yumabong at sumigla,
Subalit bukas ito ay malalanta.
May pag-aalala ba sa ‘yong isipan?
Sa wari ko ‘yan ay walang katuturan,
Sa pagkat lahat tayo ay may hangganan.

No comments:

Post a Comment

Post your comments: