HOME

Bagong Anyo ng manDarambong
















Ano ba ang silbi ng
pagiging makabayan,
kung ikaw ay nanghihina
at kumukulo ang tiyan?
Kung sa lamesa
ang mga nakalatag na pinggan
ay puro kislap lamang
at walang laman.

Kung may isang Rizal pa
na babarilin sa Luneta,
ito ba ay mararamdaman
ng buong madla?
Pagbabago ba ay mararanasan
ng mga bata,
o wala ring pagkakaiba
sa naranasan na ng mga matatanda?


Noong binaril si Ninoy 
ay nagkaroon ng pagbabago,
subalit panandalian lamang
na naranasan ng mga tao,
dahil kagyat lang na namahinga
ang mga pulitiko,
na sa nakulembat na yaman
ay 'di makuntento.


Nag-iba lang pala ng anyo
ang mandarambong,
parang hunyango'ng nagbabalatkayo
sa mga nakakasalubong.
Animo nakahaing masarap
na puto bumbong,
ngunit nang tikman na
ay lasang bulok na bagoong.

Pilit man na isinusuka
ay kumakapit sa ngala-ngala,
sumisiksik sa mga ngipin
at nagiging tinga.
Walang magawa si Juan
kundi ipikit ang mga mata,
tinitiis ang pangit na lasa
at baho ng hininga.

Sariling Interes















Kanya-kanya, tayu-tayo
at mapagbalatkayo.
Karaniwan nang ugali
ng ilang Pilipino.
Magkapatid, magkaibigan
at maging buong pamilya.
Madalas pinaghihiwalay
dahil sa pulitika.

Kung may mga pagkakataon man
na nagkakaisa.
Minsa'y paimbabaw lamang
at pansamantala.
Biglaang pagbabago
sa isang iglap lamang.
Pagkawatak-watak sariling interes
pa rin ang dahilan.

Pagbabago ang sa tuwina
ay sigaw ng lahat.
Subalit walang maisip
kung ano ang dapat.
Solusyon sa problema
madalas ay isinaisantabi.
Mahalaga pa rin ang
interes para sa sarili.

Bulok na sistema
mahirap nang lunasan.
Sa isang timba'ng tubig
ay 'di maaaring hugasan.
Asido man ang gamitin
ay 'di pa rin kayang linisin.
Hangga't ang ugaling kanya-kanya
ay 'di aalisin.

MAPANGHUSGA

Sa tuwing nakikita natin
ang araw
na nalalambungan
ng makapal na ulap,
ang unang nasa isip natin
ay nagbabadya ang ulan.

Sa tuwing nakikita natin
ang dagat
na may malalaking alon
na dumuduyan sa mga bangka,
ang iniisip natin
ay may bagyong daratal.

Kapag nakakakita tayo
ng isang tao
na humpak ang mukha
at malalim ang mga mata,
ang iniisip natin
sa bisyo s'ya ay sugapa.

Taal na katangian
ng bawat tao
ang manghusga ng kapwa,
ng mga bagay na nakikita,
subalit sa sarili
ay bulag, pipi at bingi.

Pagbabalik-tanaw . . .













Sa dulo ng landas ay nakatayo.
Isang tao na malungkot ang anyo.
Nagbabalik-tanaw sa daan na nilandas.
Nilalaro sa isipan ang mga dinanas.

Tama ba ang daan na tinahak?
Kaligayahan ba ay lubos o payak?
Mga pangarap ba ay tunay na nakamit,
O kasawian lang ang s'yang tanging bitbit?

Sana noong nakatayo sa krus na daan.
Pinili ang tamang landas na patutunguhan.
Sana'y 'di nakinig sa mga sabi-sabi.
At sa agos ay hindi basta sumali.

Kung ang kahapon ay kayang balikan.
At ang oras ay kayang pigilan.
Maaabot kaya ang mga minimithi?
Maiiwasan kaya ang maging sawi?

Ang pagbabalik-tanaw ay wala nang saysay.
Sa panghihinayang ay 'di dapat masanay.
Sa pagkat ang kapalaran ay naiguhit na.
Pag-ibayuhin na lamang at bigyang halaga.

Nasaan?













Nasaan na ang kahapon
na pinagsaluhan
ng dalawang puso
na nagmamahalan?

Nasaan na ang pangako
ng pag-ibig na wagas
na sa dako pa roon
ay magsasama hanggang wakas?

Nasaan na ang panahon
ng pagtatampisaw
sa buhos ng ulan
at masasayang araw?

Nasaan na ang halik
at higpit ng yakap
na nagbibigay ng init
at buhay sa mga pangarap?

May pusong lumuluha
sa bawat paglisan,
lungkot at pighati
sa pusong naiiwan.

Nasaan, nasaan,
ang madalas na katanungan,
subalit walang napapala
bagkus hungkag na kasagutan.

Landas ng Buhay



Sa bawat landas na
ating daraanan.
Walang katiyakan kung ano
ang daratnan.
Sa kalagitnaan man
o sa dulo ng daan.
May mga pagsubok
na mararanasan.
Katulad ng buhay na
puno ng pighati.
Katulad din ng puso na
lagi na ay sawi.
At sa tuwina ang
laging minimithi.
Ang pagsubok at sakit
ay agad mapapawi.
Nais kong humimlay
sa kumpol ng ulap.
At damhin ang pagduyan
ng alapaap.
Wagas na kaligayahan
ay nais malasap.
Sa dulo ng landas sana'y naghihintay
ang kanyang mga yakap.

sA aKing PaglisaN











Sa aking paglisan ay baon ko . . .
ang alaala n'yo,
mga matutunog na halakhak,
mga sigaw ng kagalakan,
matatamis na halik at yakap.

Sa paglalakbay ko sa malayo . . .
kayo ang nasa isip ko,
dadamhin ko ang inyong paglalambing,
iisipin ko ang inyong mga ngiti,
daldalhin ko hanggang sa paghimbing.

Ako'y maglalakbay sa dako pa roon . . .
na masasayang alaala ang baon,
walang katumbas na ligaya,
na may mga ngiti sa labi,
at sa inyo, pagmamahal ko ay mananatili.

Tumawa Ka!














Marami ang natatawa at nangungutya
sa mga tula na aking nilikha.
Marami rin ang nangingiti ng tipid,
ngunit sa wari ko sila'y napapaismid.

Subalit ako'y walang pakialam,
at patuloy na umaasam,
na sa bawat tula na maisulat,
may isipan na inut-inot na mamulat.

Libong beses man na ako'y kutyain,
maraming beses man nilang isipin,
na walang saysay ang aking mga likha,
ako'y magpapatuloy pa rin sa pagkatha.

Katulad ng Halaman










Bulaklak sa parang
kay gandang pagmasdan.
Biyaya ng kalikasan
na dapat alagaan.
Katulad ng pag-ibig
na ating iniaalay.
At pagpapahalaga sa ating
mga mahal sa buhay.

Katulad ng mga halaman
at bulaklak sa parang.
Dito sa mundo
tayong lahat ay nilalang.
May hiram na buhay
mula sa Maykapal.
Na dapat alagaan
at sa isipan ay ikintal.

Katulad ng mga halaman
may tumutubo sa ilang.
At sa aruga kadalasan
ay kulang.
May mga tao din
na nalilihis ng landas.
Nasanay sa kabuktutan
at gawaing di patas.

Halaman man sa parang
ay sinusubok din.
Sa init ng panahaon
at ihip ng hangin.
Sinusukat ang tatag
at tibay ng ugat.
Halamang matibay lang
ang tiyak na aangat.

Sa mga pagkakataon
na may pag-aalinlangan,
o sa mga panahon
na nagugulumihanan.
Hindi dapat manlumbay
bagkus ay umasam.
Na sa bagong umaga
hirap ay mapaparam.