HOME

Ganito ang Tao


Noon, ganito ang tao, ganito tayo,
mapagkumbaba at may respeto,
may isang salita at paninindigan,
opinyon ng iba ay iginagalang.
Ang bawat isa ay may delikadesa,
laging maingat sa pananalita.

Mga pangako ay ‘di napapako,
laging matapat at may puso.
Kapakanan ng iba ang inuuna,
maunawain at ‘di mapanghusga.
Hindi mapang-api at ‘di palalo,
at sa mga api laging sumasaklolo.

Ngayon, ganito ang tao, ganito na tayo,
ang mga salita ay akin ‘yan, akin ito.
Kasalanan mo dahil mahirap ka,
wala kang utak kaya’t ika’y magdusa.
Mahirap ka at ako ay mayaman,
masdan mo ang magara kong sasakyan.

Narito ako sa harapan ninyo,
iyan ang wika ng mga pulitiko.
Tayo ay aahon mula sa kahirapan,
magandang bukas ay ating masisilayan.
Kakaway, ngingiti sabay tatalikod,
pangako’y nakalimutan nang matalisod.

Ah…ang tao ay sadyang ganyan,
pagsikad ng panahon ay sinasabayan.
Dahil ang panahon ay nagbabago,
ang malambot na puso ay nagiging bato.
Marumi at baluktot na ang isipan,
kilos ay pansariling kapakanan na lamang.

No comments:

Post a Comment

Post your comments: