Maghapon siyang nakatayo at nagsasalita,
Namamaos ang tinig, nangangalay ang mga paa.
Subalit anumang pagod ay hindi niya pansin,
Matuto lang ang mga bata, iyon ang kanyang mithiin.
Guro, titser, ang tawag sa kanya,
Hatid niya ay dunong tuwing nagsasalita.
Pangalawang magulang din kung siya ay ituring,
Dagdag na disiplina sa kanya nanggagaling.
Matiyaga niyang hinubog mga kilalang tao,
Ang mga abogado, doktor, at inhinyero,
Mga tao sa lipunan na ang antas ay iba’t-iba,
Mula sa mababa maging ang pangulo ng bansa.
Subalit napakarami man ng nahubog na isipan,
Ano’t iilan lamang ang makuha siyang pasalamatan.
Mapalad na rin kung siya’y mabigyan ng papuri,
Hindi man sapat ngunit hatid sa puso niya ay ngiti.
Guro, siya na marangal higit kaninuman,
Na ang tungkulin ay maglinang ng kaisipan,
Guro na siyang gabay sa pag-abot ng mga pangarap,
Pahalagahan at bigyan ng higit na pasasalamat.

No comments:
Post a Comment
Post your comments: