HOME

Narsiso














Sino ba itong nakaharap sa salamin
Na tila lahat ng anggulo ay nais sipatin
Kakagatin ng marahan ang mga labi
Saka kikindat at maglalabas ng ngiti

Halos isang oras nang paikot-ikot
At ang buong mukha ay kinakalikot
Panay ang hagod sa kinulayang buhok
Subalit ang porma ay hindi matumbok

Sino ba itong naglalakad ng marahan
Tila inaagaw ang pansin ng karamihan
Agaw-pansin ang bawat kilos at mga salita
Maharot man o mahinhin, ito’y sinasadya

Sino ba itong laman ng mga umpukan
At nais ay siya lamang ang pinakikinggan
Lahat ay kaya at palaging siya ang bida 
Siya ang magaling, ang guwapo o maganda

Sino ba itong laman ng social media
Bawat kibot ay nakalathala ang mukha
Sa bawat oras ay may bagong larawan
Kuha man sa kubeta o sa paminggalan

Nagkaroon ka na ba ng oras na mapagtanto
Kung ang mga kilos mo ay totoo o biro
Isa ka ba sa mga Narsiso ng kasalukuyan
Na ang sarilli ay labis na kinahuhumalingan