HOME

Kababawan
















susubukan kong magsulat ng isang tula na kakaiba
may mga salita na medyo malalim at matalinhaga
mga salitang pinag-isipan at may kurot sa masa
ngunit, paano ba uumpisahan. . . bigla akong natulala

umupo sa harap ng kompyuter, nag-isip at tumipa
tumingala, napatungo at kinusot ang mga mata
tumipa ng mabagal hanggang makabuo ng mga salita
subalit nang binasa, mga salita ay kagyat na binura

sumandal sa upuan at nag-isip ng taimtim
anong mga salita ba ang matalinhaga at malalim
ang salitang balon ba ay maituturing na malalim
at ang matalinhaga ay katulad ng salitang lihim?

ha ha ha . . . bigla akong natawa sa aking naisip
napakababaw na biro bakit ‘di na lang umidlip
marahil sa pagtulog ay magkaroon ng panaginip
mainam nga’ng matulog kesa sa umupo at maghalukipkip

talagang kasama sa buhay ang pagiging mababaw
lumalabas paminsan-minsan na animo ay bulalakaw
at sa atensyon natin ay paminsan-minsan umaagaw
may nakakainis, nakakatuwa, depende sa salita o galaw

ang pagiging mababaw ay larawan ng katotohanan
kung paano ninanais ng tao ang maging ganito o ganyan
sa ganang akin, ang kababawan ay hindi isang kamalian
basta’t ito ay walang naidudulot na kapahamakan