HOME

Pagbabago













Paano ba ginagawa ang pagbabago?
Ito ba ay napakamahal at maluho?
Maaring simple o kumplikado.
Napupulot o madaling masalo.

Sa umaga, sa pagmulat ng iyong mga mata,
Ang pagbabago ba ay kaagad nakukuha?
Animo tubig na hinihilamos sa mukha,
At kapagdaka’y pupunasan ng tuwalya.

Ito ba ay parang dumi lamang sa katawan-
Na nakukuha sa isang paligo lamang?
Ito ba ay parang natuyong pawis din lang-
Na sa basang bimpo ay maaring punasan?

Ito ba ay parang pagkain sa mesa -
Na napipili kung alin ang malasa?
Na kung mainit ay maaring iluwa,
Naiisantabi kung maanghang o mapakla.

Ang pagbabago ba ay katulad ng larawan-
Na madaling i-like ng mga kaibigan?
O profile picture na madaling palitan,
Dahil maraming pose ang pagpipilian.

Ito ba ay maihahalintulad sa isang byahe
Na maari kang mamili kung taxi o dyipni
Katulad ng upuan sa dyipni na napipili,
Subalit hindi ang uupo sa iyong tabi.

Mahirap bang gawin ang pagbabago-
O madali lamang kung iyong isapuso?
Anuman ang ayaw o ninanais mo,
Sana ito’y positibong pagbabago.