HOME

Wala Kang Katulad


Hindi tayo magkakilala,
At kailan man ay ‘di nagtagpo,
Ngunit ang ‘yong mga ginawa,
Ay madalas naririnig ko.

Ilang beses nang nakapunta,
Sa Naga na ‘yong teritoryo,
Ang mga taong nakilala,
Bukambibig ang pangalan mo.

Walang narinig na masama,
Kundi mga kabutihan mo,
Ang lugar na ‘yong pinasigla,
Ang turing sa ‘yo ay idolo.

At bago pa man nakapunta,
Du’n sa lugar na nilingap mo,
Ngalan mo ay aking nabasa,
Tampok sa isang artikulo.

At sa pagtapak ko sa Naga,
Ay labis na napagtanto,
Na sadyang karapat-dapat ka,
Sa karangalang bigay sa ‘yo.

Mula noon ay hinangad ko na,
Na sana lahat ng pulitiko,
Ay maglingkod ng tapat sa bansa,
Katulad ng paglilingkod mo.

Ngayon ang bansa ay lumuluha,
Dahil sa biglaang pagpanaw mo,
At lubos ka pang nakilala,
At minahal ng mga tao.

Ang katanungan ngayon ng madla,
Mayro’n pa bang isang katulad mo?
‘Di nasilaw sa kinang ng pera,
‘Di tulad ng ibang pulitiko.

Marahil ay may uusbong pa,
At magpanggap na katulad mo,
Subalit sa puso ng masa,
Iisa lang ang JESSE ROBREDO.

No comments:

Post a Comment

Post your comments: