HOME

Kahapon at Bukas













Parang kahapon lamang nang iyong sinabi
Na ika’y lilisan saglit sa aking tabi
Bagama’t ang puso ko ay nag-atubili
Ikaw ay lumisan nang sumapit ang gabi

Hindi ko napansin ang paglipas ng mga taon
At sa wari ko ika’y lumisan lamang kahapon
Ang kalungkutan ay pilit na ibinaon
Sa aking puso ikaw pa rin ang naroon

Hindi ka nilimot kahit na isang saglit
Mga ala-ala mo ang laging nasa isip
Mga ngiti mo sa isip ko ay di nawaglit
Ang mga tukso ay iniwasan kong pilit

Bukas aking mahal kung ikaw ay darating
Kahit saglit sana ako’y iyong dalawin
At kahit ako’y natutulog ng mahimbing
Sa tinig mo ako’y kaagad na gigising

At dumating nga ang inaasam na bukas
Tuwa sa puso ko ay sadyang mababakas
Subalit maraming oras na ang lumipas
Kahit anino mo ay hindi ko namalas

Tuwa sa puso ko ay napalitan ng lungkot
Bakit aking mahal ikaw ay nakalimot
Sa ating tagpuan ay hindi ka sumipot
Ngayo’y lungkot ang sa puso ko’y bumabalot

No comments:

Post a Comment

Post your comments: