
“Alam mo ba kung saan ka papunta?”
Gusto mo ba ang mga bagay na iyong nakikita?
O nais mo ng pagbabago sa isang kisapmata.
Nagmamasid ka ba sa iyong paligid?
Naririnig mo ba ang mga balita sa himpapawid?Sa malalim na dagat ay nasubukan mo na bang sumisid?
At damhin ang katahimikan sa ilalim ng tubig.
Nais mo bang makaalpas kahit panandalian lamang?
Mula sa magulong mundo na iyong ginagalawan.
Nais mo bang masumpungan ang katahimikan?
At mamuhay ng mapayapa magpakailanman.
Pagbabago, ang malimit isigaw ng isip mo,
Ang mabago ang mga bagay na hindi mo gusto. Katahimikan, ay hangad din ng iyong puso,
Subalit napakailap; Kailan kaya makakamtan ito?
Kung ang mundo na iyong ginagalawan,
Ay balot ng pighati at kaguluhan.Kung ang katahimikan ay di mo rito masumpungan,
Sa dako pa roon, tiyak ito’y iyong masisilayan.
Tunguhin mo ang liwanag na kumukutitap,
Na maaring sa ngayon ay di mo pansin ang kislap,Dahil sa paningin mo ito’y aandap-andap,
Subalit naroon ang katahimikan na iyong hinahanap.
Ang paglalakbay ay simulan mo na ngayon,
Patungo sa liwanag sa dako pa roon.Ang pag-aalinlangan ay dapat mong itapon,
Naghihintay ang DIYOS na SIYA’y iyong matunton.
No comments:
Post a Comment
Post your comments: