Noon, ay iyong ipinangako
Na ako ay aalagaan mo
Kailanma’y hindi pababayaan
‘Di sisirain o yuyurakan
Kaya’t ako ay di nagpabaya
At ika’y binigyan ng biyaya
Alay ko’y mga likas na yaman
Ng tubig, lupa, at kabundukan
Sa simula ay aking nakita
Na ika’y sadyang mapagkalinga
Mga isda’y pinangalagaan
Maging ang hayop at kakahuyan
At ako nga ay sadyang natuwa
Sa kabutihang aking nakita
Sapat na init ika’y binigyan
Pati na ng hangin at ng ulan
Subalit tila ika’y nagbago
At unti-unti’y naging palalo
Ang dating payak na katauhan
Bigla’y naging tuso at gahaman
Kabundukan ay iyong kinalbo
Mga puno ay ginawang troso
Sinira mo rin ang karagatan
Pati ang hangin at kalupaan
Libong beses nagbabala sa ‘yo
Sa dulot ng kapalaluan mo
Subalit ako’y ‘di pinakinggan
At ako’y sinira nang tuluyan
Tao, ngayon ika’y nagdurusa
Sanhi ng iyong mga ginawa
Kung nais mo na ito’y maibsan
Ako sana’y iyong alagaan

No comments:
Post a Comment
Post your comments: