Pula ang kulay ng likidong umagos
Mula sa mga katawan ng mga bayani noon
Mga anak ng bayan na hindi nagpalupig
Umasam ng kalayaan, lumaban, at sa huli ay nanaig
Walang kulay ang likido na umaagos
Mula sa katawan ng mga bayani ng kasalukuyan
Makabagong bayani ang sa kanila ay taguri
Tumatagaktak na pawis, kapalit ay paimbabaw na papuri
Sa pagbabanat ng buto, sa bawat kalyong tumutubo
Sa bawat pang-aalipusta at hirap na dinaranas
Hangad ang makaipon ng sentimo na pampawi sa kalam
Ng sikmura ng pamilyang hapis na ang katawan
Kung may mapagpipilian lamang ay mamarapatin
Ang manatiling nakatuntong sa sariling lupa
Linangin ang kaalaman sa bayang tinubuan
Kaysa suungin ang peligro sa lupang dayuhan
Lumaban para sa kalayaan ang mga bayani noon
Dinilig ng dugo ang lupang uhaw sa paglaya
Lumalaban naman ang mga bayani ng kasalukuyan
Upang makalaya sa hinagpis ng sikmurang kumakalam
Bagong bayani ang turing, ngunit ang trato ay iba
Salat sa aruga mula sa mga nasa kapangyarihan
Mga taong nakaupo sa mga magagarang silya
Animo mabait at magaling kapag nasa harap ng media
Mga bagong bayani ng makabagong lahing Pilipino
Makabagong paraan ang gamit sa pakikipaglaban
Upang wakasan ang paghihirap ng bawat kadugo
Labanan ang kahirapan at tuluyang masugpo
