HOME

Bagong Anyo ng manDarambong
















Ano ba ang silbi ng
pagiging makabayan,
kung ikaw ay nanghihina
at kumukulo ang tiyan?
Kung sa lamesa
ang mga nakalatag na pinggan
ay puro kislap lamang
at walang laman.

Kung may isang Rizal pa
na babarilin sa Luneta,
ito ba ay mararamdaman
ng buong madla?
Pagbabago ba ay mararanasan
ng mga bata,
o wala ring pagkakaiba
sa naranasan na ng mga matatanda?


Noong binaril si Ninoy 
ay nagkaroon ng pagbabago,
subalit panandalian lamang
na naranasan ng mga tao,
dahil kagyat lang na namahinga
ang mga pulitiko,
na sa nakulembat na yaman
ay 'di makuntento.


Nag-iba lang pala ng anyo
ang mandarambong,
parang hunyango'ng nagbabalatkayo
sa mga nakakasalubong.
Animo nakahaing masarap
na puto bumbong,
ngunit nang tikman na
ay lasang bulok na bagoong.

Pilit man na isinusuka
ay kumakapit sa ngala-ngala,
sumisiksik sa mga ngipin
at nagiging tinga.
Walang magawa si Juan
kundi ipikit ang mga mata,
tinitiis ang pangit na lasa
at baho ng hininga.