
Minsan, ay nakita ko ang bukas,
Habang mga mata’y nakapikit,
At dinuduyan ng alapaap.
At sa isang lugar ako ay napadpad,
Lugar na kung saan ay naroon ang lahat,
Ang makamundong kaligayahan,
Na sa tuwina ay hinahangad.
Malawak ang ilog at malakas ang agos,
Bawat lumulusong ay nagpapatianod.
Sa lakas ng daloy ay may ilang sumubok,
Na kumampay pabalik at sumalungat sa agos,
Subalit, sila’y nabigo at nilamon ng ilog.
Ako’y nanghilakbot at kapagdaka’y natakot,
Ano’t ang ilog ay tila halimaw na hayok,
O isang hunyango na nagbabalatkayo.
Sa pagmamasid ako’y tila nakalimot,
At natukso na lumusong din sa ilog,
Sa pagdampi ng tubig lamig ay nanuot,
At minsan pa ang diwa ko ay inanod.
Dahil sa lamig na ang dulot ay kiliti,
Paimbabaw na sarap sa kaluluwang uhaw,
Uhaw sa kaligayahan at nais na matighaw.
Sa aking paglingon ay di na matanaw,
Ang pampang na dati ay ayaw mawalay,
Subalit sa anyaya ng ilog na mababaw,
Natukso, biglang kumaripas at nakipagtampisaw.
Ngayon ay batid ko na ang nararamdaman,
Ng mga nagsilusong at biglang umayaw,
Umayaw na umahon at tuluyang naglunoy,
Nagtampisaw sa ilog at sa agos ay nagpatianod,
At tuluyang nakalimutan na sa mundong ibabaw,
Ang kaligayahan ay panandalian lamang.
No comments:
Post a Comment
Post your comments: