Sa tuwing nakikita natin
ang araw
na nalalambungan
ng makapal na ulap,
ang unang nasa isip natin
ay nagbabadya ang ulan.
Sa tuwing nakikita natin
ang dagat
na may malalaking alon
na dumuduyan sa mga bangka,
ang iniisip natin
ay may bagyong daratal.
Kapag nakakakita tayo
ng isang tao
na humpak ang mukha
at malalim ang mga mata,
ang iniisip natin
sa bisyo s'ya ay sugapa.
Taal na katangian
ng bawat tao
ang manghusga ng kapwa,
ng mga bagay na nakikita,
subalit sa sarili
ay bulag, pipi at bingi.